April 1, 2010

Love hurts



Nag-usap kami ng kaibigan ko kanina. Usapang pag-ibig.

Sabi niya, bakit daw ganun, palagi na lang daw siyang willing victim ng mga naging ka-relasyon niya.

In what way, tanong ko.

Na lagi daw siyang ginagamit, tapos pag nakuha na ang gusto e iiwan na daw siya.

Ung huling partner niya, may boyfriend pala na iba. Inaway-away siya ng "orig" partner. Hindi naman daw niya alam na pangalawa siya.

Pagkatapos makuha ni boy ang gusto niya sa friend ko (business deal daw), iniwan din siya at pinili si "orig" partner. One month daw siyang depressed dahil doon.

Malungkot nga ang sinapit niya.

Tinanong ko uli siya: wala ba siyang ginagawa para hindi na siya maging "willing victim" uli?

Wala na daw, tugon niya. Ganun daw yata hangga't nagmamahal ka, magiging willing victim ka palagi.

Na kinontra ko naman.

Sabi ko, nasa kanya naman iyan kung magiging willing victim siya uli. Kailangan na magaling siyang mangilatis ng tao. At ang lahat, may hangganan.

Sabi niya uli: katulad lang iyan ng pagmamahal mo sa sarili. Kung magmamahal ka ng iba, di ba hindi 100% mong ibibigay ang sarili mo? Magtitira ka sa sarili mo.

At ang sabi ko naman, mahirap na umibig kung lagi mong iisipin ung ganun.

Parang laging may hadlang, o may doubt.

Love your partner, love yourself more.

At kung hindi mag-work ang relasyon kasi me motibo ang partner mo na hindi mo gusto, hiwalayan mo.

Kung ganung klase siyang tao, he doesn't deserve you, ang lahat-lahat sa iyo.


Disclaimer: Feeling love guru lang ako sa friend ko, pero ako po ay 6 months nang sawi. Hay pag-ibig!

March 5, 2010

Tulay


Kinakanta ko ngayon nang paulit-ulit ang London Bridge is falling down:

London Bridge is falling down,
Falling down, falling down.
London Bridge is falling down,
My fair lady.

Sa pang-XX na pagkakataon, kinuha na naman ako para maging tulay ng pagmamahal.

Kinuha akong maging tulay ni W.

Ayaw ko sana, pero hindi ako tumutol. Para saan pa't naging napakabait kong kaibigan sa kaniya?

Isa pa, paraan iyon para lalo ko siyang makilala. Isa sa perks ng pagiging isang tulay ay ang madalas na pakikipag-text sa tinutulungang kaibigan. Sa kaso ko, palagi kong nakakakuwentuhan si W.

Inamin ko sa kaniya na ideal guy naman siya. Na siguro, maraming girls ang kinikilig sa kaniya. Un nga lang, siya na yata ang hari ng katorpehan.

At sa mga kuwentuhan namin, mas lalo ko siyang nakikilala, at mas lalo kong umaasa na sana, sana, ako na lang ang ibigin niya. Hay, my bad, I know.

The spider being stucked in his own web. Ganito ang sitwasyon ko sa ngayon.

Yes, I'm sorting things out, at sana, sana, mas mapadali ang pag-burn ko ng bridge sa pagitan naming dalawa ni W. Isang tulay na ako lang naman ang nag-uugnay.

Ako lang naman ang nagpipilit mag-ugnay.

February 28, 2010

Oras (o pagkatapos manood ng Miss You Like Crazy nina John Lloyd at Bea)



Sa mundong ito, ilan ba ang nakasandig sa oras o panahon?

Madalas, makikita mo siya sa jeep, o bus, o MRT, mga paraiso ng sansaglit. Isang tingin lang, baka mahuli mo na. Magkakahulihan kayo. Sa ilang tango o taas ng kilay o ismid, alam mo na.

Alam mo na.

Saan patutungo: sa 3 hours ba o 3 years. Malamang sa malamang, aasa tayo sa forever. Ganun naman sa kuwento di ba? Hindi ung forever ha, kundi ung umasa. At umasa pa.

Gaya ni Allan at Mia, na umasa na balang araw, magkakaroon ng katuparan ang mga inilahad nila sa bato:

Mahal kita
.

Ikaw pa rin
.

Limang taon: February 24, 2010. Tapos na ang araw na iyon, February 28 na, huling araw na ng buwan na ito. At heto ka, iniisip kung ano ang taya ng iyong paghihintay: matatagalan pa ba?

Maaari. Maaring hindi.

Samantala, maraming araw pa ng pag-aabang sa kundiman.