We are all in the gutter but some are looking at the stars.
Oscar Wilde
***
Sadyang ganun lamang talaga, at alam mong kailangan tanggapin. Nagkataong naroon ka. Nagkataong naroon din siya.
Ikaw: Nakararamdam na bahagyang kalungkutan, libog, at pinaghalong pag-aasam na baka sakaling doon matagpuan ang hinahanap: Sex at Love.
Alam mong walang katiyakan ngunit walang masama sa pagbabaka-sakali. Sigurado kang matatagpuan mo ang sex, pero ang love, hindi mo alam. Hindi ka umaasa. Umaasa ka. Hindi ka umaasa. Uumaasa ka.
Siya: Masama ang loob. Hindi iniintindi ng BF. Nagpapakafaithful. Naiinis dahil hindi siya binibigyan ng panahon ng minamahal niya. Nagmumukmok kaya nagpunta doong mag-isa. Magpapalipas ng oras. Magpapalipas ng sama ng loob. Kung abutin ng libog, baka sakaling makapagparaos. Umasa. Umaasa. Walang inaasahan.
May itsura siya. Atubili kang lumapit. Baka iturn down ka. Baka choosy. Baka naroon lang talaga para manuod. Mukhang suplado. Mukhang malungkot. Mukhang malibog. Lahat ng mukhang, maiisip mo.
Kayang itago ng dilim ang kahit ano. Sa panaka-nakang pagsilip ng liwanag ay sadyang iba’t-ibang mukhang ang maari mong makita. Alinman man doon ang makikita mo ang maari mong paniwalaan. Pero dahil nagbabakasali ka sa dalawang bagay, tumabi ka na rin.
Hindi naman siya kumibo. Hindi siya tumayo. Hindi siya natakot. Hindi siya umalis sa tabi mo. Sinubukan mong tingnan siya. Sinubukan ka niyang tingnan. Nagtama ang paningin ninyo. Nagkaramdaman. Sinubukan mong iunat ang kamay mo sa armrest ng upuan niya. Hindi niya inalis ang kamay. Dumaiti ang sa iyo. Hindi pa rin niya inalis. Siubukan mong haplusin ng daliri mo ang braso niya. Sinulyapan mo siya. Tumingin din sa iyo. Hinawakan mo ang kamay niya. Humawak siya pabalik. Holding hands.
“Nag-iisa ka,” tanong mo kahit obvious naman. “Oo,” sagot niya na kinukumpirma ang alam mo na. Tanong mo. Sagot niya. Sagot niya. Tanong mo. Marami pang tanong bago pa nagkalakas ng loob na alamin ang pangalang niya. Palaging first name. Alam mo na iyon. Madalas alyas. Pero maniniwala ka.
Dalawang oras lang ang palabas. Pero matagal. Parang forever. Madalas hindi na ninyo naiintindihan, dahil nag-uusap na kayo nang magkahawak kamay. Umaakbay siya. Umaakbay ka. Halos magyakap na kayo. Kung talagang suswertehin, maghahalikan pa. Pero hindi ninyo pag-uusapan ang kahit ano sa ginagawa ninyo habang magkatabi kayo. Dahil masarap ang pakiramdam. Dahil maipagkakamali mong love iyon. Tenderness. Intimacy. Lahat naman ay iyan ang hanap. Wala naman masama kung ibigay sa iyo ng isang stranger. Kahit nga maghipuan kayo wala nang aangal. Dahil bahagi iyon ng pagkilala ninyo sa isa’t isa, ng inaasam ninyo. Subalit walang hihigit pa sa mga panakaw pagyayakapan. Iyon lang sapat na. Nararamdaman mo siya, at nararamdaman mong nararamdaman ka rin niya. Hindi naman mahirap mangyari iyon dahil pareho kayo.
Sa muling pagbukas ng ilaw. Hihingin mo ang number niya. Ibibigay niya. Kukunin din niya ang sa iyo. Bago umuwi:
Ikaw: Just let me know you’re home safe
Siya: Sure.
Ikaw: Ingat ka.
Siya: Ingat ka rin.
Ikaw: Nice meeting you. Text, text. See you soon. (Sinadya mong hindi mga goodbye)
Ikaw: Bahay na ako, ikaw.
Ikaw: Bahay ka na ba. I had a great time. Ikaw?
Ikaw: Good morning. Kumusta ka na?
Ikaw: Good evening. Nagdinner ka na?
Siya: No response. No response. No response. No response.
Sadyang ganun lang talaga, at alam mong kailangan mong tanggapin. Nagkatong naroon ka. Nagkataon ding naroon siya.
Ikaw: Malungkot, masama ang loob, hindi binigyan ng panahon, nagmumukmok. Umasa.
Siya: Nakararamdam na bahagyang kalungkutan, libog, at pinaghalong pag-aasam na baka sakaling doon matagpuan ang hinahanap. Sex at Love.
Nagkatabi kayo. Dalawang oras na panunuod. Yakap. Halik. Hipo. Bandang huli palitan ng number.
Siya: Bahay na ako. Ikaw?
Siya: Good morning. Kumusta ka na?”
Siya: Good evening. Nagdinner ka na?
Ikaw: No response. No response. No response. No response.
No comments:
Post a Comment